(Just a personal musing)
Maganda ka. Tila isa kang prinsesa na nananatili sa loob ng kastilyo at matiyagang hinihintay doon ang iyong kahanga-hangang prinsepe.
Hindi ka natatakot. Pinili mong huwag lumampas sa hangganan dahil alam mong hindi ka pinagkaitan subalit ikaw ay pinapangalagaan at upang ikaw ay maging ligtas.
Magiting ka. Ikaw ay matapang na sumunod sa pananatili sa loob dahil ikaw ay nagtitiwala at naniniwala.
Ipagpaumanhin kung naghihintay ka ng
matagal. Batid kong hindi ako nararapat na tawaging prinsipe mo. Ako ay sugatan
at mahina. Hindi pa ako nakikibahagi sa isang labanan noon kung saan ang
ganitong uri ng kagitingan ay kinakailangan. Paulit-ulit kong sinasabi sa
sarili ko na isa akong mandirigma. Hindi ako nagtitiwala sa aking karwahe at
mga kabayo. Subalit hinihintay ko yung araw na dadalhin nila ako kung nasaan
ka.
Hinihintay ko ang araw na iyon na masasabi ko sa iyo na hindi ko ipapangakong maging pinakamahusay na prinsepe mo sa buong mundo - hindi magiging fairy tale o pantasya ang ating kuwento.
Hinihintay ko ang araw na iyon na buong
tapang kong masasabi sa iyo sa biyaya ng Panginoon na sisikapin kong maging yaong
tinutukoy sa Acts 13:22,
“isang taong kinalulugdan ng puso ng Panginoon na
gagawa ng buong kalooban Niya.”
Hinihintay ko ang araw na iyon na masasabi kong sisikapin kong maging yaong tinutukoy sa 1 Corinthians 11:3,
"isang
lalaki na ang pangulo ay si Kristo, at ako ang ibinigay Niya sayo upang maging
iyong pangulo."
Hinihintay ko ang araw na iyon na masasabi kong sisikapin kong maging yaong tinutukoy sa Ephesians 5:25,
“isang asawang mamahalin si Gng.(ang iyong matamis
na pangalan pagkatapos ay ang aking apelyido)."
Napansin ko na ba o pinahalagahan ang mga
ngiti mo? Hindi ko alam. Kung hindi pa, ipagpaumanhin. Naniniwala ako na
nakangiti ka pa rin sa kabila ng iyong mga hamon sa buhay, ng iyong mga
paghihirap, ng iyong mga problema, ng iyong mga pagsubok, ng iyong mga pag-aalinlangan,
ng iyong mga pagkabigo, ng iyong mga panghihina ng loob. Nakangiti ka dahilan
sa biyaya, dahilan sa awa, dahilan sa pananampalataya, dahilan sa pag-asa,
dahilan sa pag-ibig. Nakangiti ka para sa Panginoon. Napakaganda ng ibinabahagi
mong ngiti na ipinagkaloob Niya sa iyo. Salamat sa mga ngiting iyan!
Ang ngiting iyan ang magnanakaw sa aking puso.
Hindi, hindi mo ito nanakawin. Ibig kong maniwala na ibibigay ng Panginoon ang
pusong ito sa iyo, sa halip. Ibinigay ko ang pusong ito sa Kaniya at hinihintay
ko ang araw na iyon na ibibigay Niya ito sa iyo.
Hinihintay ko ang araw na iyon na
maibibigay ko rin ang aking mga bisig sa iyo, at hihilingin sa iyo, "Pakiusap, sumunod ka sa akin gaya ng
pagsunod ko kay Cristo."
Hinihintay ko ang araw na iyon na
maibibigay ko ang aking mga kamay sa iyo, "Pakiusap,
kumapit ka, at magkahawak-kamay tayong patungo hanggang saan man tayo dadalhin
ng Panginoon."
Hinihintay ko ang araw na maibibigay ko
ang aking buhay sa iyo, ngunit pakata
tandaan mo, "No.2 kanto laeng ti panagbiagko, ket ti No.1 isu ti Dios
Apo." ("Magiging No.2 ka lang sa buhay ko, at ang No.1 ay ang
Panginoon ko.")
Sa totoo lang, tila natatakot ako para sa
paglalakbay na ito. Baka hindi ko maabot ang mga inaasahan mo. Makikita mo ang
mga kahinaan ko. Makikita natin sa bawat isa ang ating bahagi ng pagkakasala.
Ang nagbibigay sa akin ng kapayapaan ay nasa atin ang KATOTOHANAN - si Hesus (the Living Truth) at ang Salita ng
Diyos (the Written Truth). Parehong
nasa atin si Hesus at Siya ang magiging huwaran natin, kasama natin, layunin
natin. Pareho tayong lalago sa ating relasyon sa Kaniya. Ang Bibliya ay
palaging magiging lampara sa ating mga paa at liwanag sa ating landas. Magsasama
tayong dalawa na ibabahagi at ipapakita sa ating paligid kung paano binabago ng
Salita ng Diyos ang mga buhay.
Sa totoo lang, tila takot akong harapin ang kinabukasan. Ipinapanalangin ko sa Panginoon na kapag nandoon ka, ikaw ay magiging katuwang ko sa pagbaling at pag-alala sa Kaniyang mga naging kabutihan at katapatan. Ipinapanalangin ko sa Panginoon na kapag nandoon ka, ikaw ang magiging kasama ko sa laging pagtingala sa Kaniya. Pupurihin nating dalawa, kasama ng bubuuhin nating pamilya, ang Kaniyang Pangalan. Sama-sama tayong maglilingkod sa Kaniya hanggang sa Siya ay dumating muli. Nawa’y di tayo makalimot, titingala tayo sa Krus kung saan ipinakita ni Hesukristo na ating Panginoon at Tagapagligtas ang Kaniyang pinakadakilang pag-ibig at kababaang-loob.
Nananalangin ako.
Naghihintay ako.
Kung sakali mang sasabihin na Niyang
"Anak, humakbang ka.",
doon ko lamang babanggitin na
"Mahal kita."
First published in English and posted on Facebook on March 24, 2019.
Comments
Post a Comment